Thursday, October 23, 2008

Isang Matatag Na Puno

Sa panahon natin ngayon, marami ang mga taong mahihirap at mga walang mapagtrabahuhan. Maraming mga bata ang palaboy-laboy na lang sa lansangan. May mga nanlilimos at meron ding nakakagawa pa ng kasalanan para lang may makain araw-araw. Meron ding mga bata na kung ating tawagin ay "malnourished". Bakit ba may taong mahirap? Bakit may batang "malnourished"? Paano ba natin ito masusugpo?

Kung ating masisipat at kikilatisin, nakakaawa ang mga taong nasa kalagayan nila. Masuwerte na ang ibang bata na nakakain ng tatlong beses sa isang araw at nakakapasok pa paaralan. Kung mapapansin naman kasi natin, halos lahat ng taong walang makain ay hindi nakapag-aral. Ngunit, kahit mahirap sila, hindi ibig sabihin na waka na silang pag-asang makaangat sa lipunan. Meron naman diyang mga asosasyon na puwedeng kumalinga, tumulong at sumoporta sa mahihirap. Sa tutuusin, may iba't ibang programa ang inilulunsad ng mga asosasyon. Isa na rito ang tinatawag nating "feeding program". Isa itong programa na nagpapakain sa mga batang kulang ang timbang. Araw-araw silang pinapakain upang mabigyan ng tamang nutrisyon na kanilang kailangan at importante sa kanilang katawan. Isa lamang ang "feeding program" sa inilulunsad ng asosasyon para sa mahirap.

Tandaan lang palagi, tao rin sila tulad natin. May buhay at hininga din. Huwag tayong mandidiri sa kanila. Kahit sino sa atin ay puwedeng tumulong sa nangangailangan. Tulungan natin sila. May pangarap din sila na umangat sa lipunan. Tayo sana ang magsilbing katawan ng puno na aalalay at susuporta sa kanila dahil sila ay mga munting dahon na umaasa sa atin. Kailangan natin ang isa't-isa para mabuhay sapagkat iisa lang ang ating lahi.

No comments: