Tuesday, October 21, 2008

Bakit Kaya Ganun?

Nanay, tatay, ate, kuya at bunso. 'Yan ang bumubuo sa isang kumpleto at masayang pamilya. Kumpleto at masaya? Hindi lahat ng oras ay kumpleto at masaya ang pamilya. May mga oras na dumadating ito. At may oras din na umaalis ito. Ganyan minsan ang umiikot sa mundo ng aking pamilya. Bakit? Pa'no ko nasabi?

S
a aming tahanan, tulad ng iba, meron din kaming haligi na siyang tumatayong "breadwinner" sa aming pamilya. Siya mismo ang bumubuhay sa'min. Ngunit... Bakit ganun? Halos araw-araw, lagi siyang gabing-gabi na kung umuwi. Minsan nga, umuuwi siyang laging amoy-alak.

Alam naman nating lahat na ang ina ang siyang nagsisilbing "ilaw ng tahanan". Tulad ng ina sa ibang panig ng mundo, ang aking ina ang laging umaasikaso sa mga gawaing bahay. Pagkatapos niyang gampanin ang kanyang tungkulin, nagkakaroon pa siya ng oras para sa aming magkakapatid. Ngunit... Bakit ganun uli? Nagkakaroon na ng mga oras na di niya nagagampanan ang kaniyang trabaho. Minsan, sa akin niya inuutos ang kanyang gawain para sa pagdating ng hapon, makakaharap niya ang mga baraha.

Si ate't kuya ay kapwa nakapagtapos ng pag-aaral. Nagtatrabaho sila ngayon sa isang masaganang kompanya. Ngunit... Bakit ganun na naman uli? Naimpluwensyahan sila ng kanilang mga kaibigan. Naging madalas na sila sa harapan ng alak at gabing-gabi na rin sila umuwi.

Ang aking mga nabanggit na katangian ng aking mga mahal sa pamilya ay naging angkin nila noon. Nagkaroon kasi sila ng panahon na makapagbago. Hindi naman talaga mahilig sa ganoong bisyo ang aking pamilya. Kaya lang naman nila nagawa iyon dahil na rin sa impluwensiya ng mga kaibigan.
Hindi ko naman puwedeng masabing huminto na sila sa kanilang interes, nagagawa pa rin nila 'yon sa tamang lugar at sa tamang oras. Kasama na rin doon ang mga esepesyal na okasyon.

Ganyan ang aking pamilya. Minsan kumpleto. At minsan kulang. Kahit naman lagi kaming hiwa-hiwalay, di pa rin mawawala ang pagmamahal at pag-aalala sa isa't-isa.

No comments: